Binigyang diin ng minority group sa Senado na hindi inosente sa kontrobersyal na Sugar Importation Order si Executive Secretary Victor Rodriguez matapos na ilabas ngayong hapon ang sariling bersyon ng committee report.
Ayon kay Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros, gumawa sila ng hiwalay na committee report dahil hindi sila sang-ayon sa report ng Blue Ribbon Committee na pumalyang sagutin ang mga katanungan na tutugon sa problema ng importasyon at suplay ng asukal sa bansa.
Iginiit ni Hontiveros na hindi lusot o hindi inosente si Rodriguez sa iligal na sugar importation dahil malinaw naman na ang lahat ng komunikasyon na kaugnay sa pag-iisyu ng Sugar Order No. 4 ay naiparating at alam ng ES.
Sinita rin ni Hontiveros ang pagiging tahimik ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga pananagutan ni Rodriguez dahil pumalya o mistulang sinasadya ng komite na hindi talakayin ang papel na ginampanan ng ES sa naturang isyu.
Samantala, hindi naman na inirerekomenda ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagsasampa ng kaso kay Rodriguez dahil ang kanilang committee report ay naka-address sa majority at sa pag-cross examine sa Blue Ribbon Committee report.