Ipinag-utos na ng Department of Justice (DOJ) ang fact finding investigation ukol sa mga ulat na mayroong “escort services” para sa illegal Chinese workers na pumapasok sa bansa.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra – inatasan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin ang modus sa paliparan kung saan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay gumagastos ng 10,000 pesos para maipasok sa bansa ang bawat maha-hire na Chinese.
Nagsasagawa ng “escort services” ang ilang immigration employees para makapasok sa bansa ang Tsino na tourist visa lamang ang hawak at para makapagtrabaho sa online gaming companies.
Dagdag pa ni Guevarra – mayroong ongoing investigation ang NBI hinggil sa human trafficking operations sa NAIA.
Una nang iginiit ng Bureau of Immigration (BI) na maigting ang kanilang paglaban kontra illegal escort services sa mga paliparan.
Sa ngayon, aabot sa 130,000 Chinese POGO workers ang nagtatrabaho sa 50 lisensyadong gaming firms sa bansa.