ESKWELAHAN SA CAGAYAN, PINAGNAKAWAN; 20 LAPTOP, TINANGAY

CAUAYAN CITY – Tagumpay na nasakote ng pulisya ang mag-pinsan na itinuturong nanloob at nagnakaw ng 20 laptop sa Bayabat National High School- La Suerte Extension sa bayan ng Amulung.

Ang mga suspek ay nasa edad 18 at 19 na residente ng Brgy. La Suerte.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagawang mapasok ng mga suspek ang nasabing paaralan sa pamamagitan ng pwersahang pagsira sa padlock ng administrative building gamit ang crowbar.


Dito nakuha ng mga ito ang nabanggit na laptops na noon ay nakalagay pa sa safety box.

Matapos nito ay tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo na kanila ding ninakaw.

Nang tagumpay na makalayo sa lugar ay kanilang iniwan ang motor at susi sa isang kalsada sa Solana bago bumyahe patungong Isabela upang ibenta ang mga nakaw na laptop.

Nagawang maibenta ng mga ito ang ilan sa mga laptop sa bayan ng Mallig at Roxas.

Dahil naman sa tulong ng tatay ng isa sa mga suspek ay nagawang matunton ang mag-pinsan dahilan ng kanilang pagkakaaresto.

Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong robbery at motornapp.

Facebook Comments