Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na exempted sa “No vax, No ride” Policy ng Department of Transportation (DOTr) ang mga manggagawang hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na wala naman silang pinagkaiba sa mga hindi bakunado pero pinapayagan pa ring lumabas kung bibili ng essential goods.
Ayon pa sa kalihim, malinaw nila itong napag-usapan sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF).
“Yang ‘no vax, no ride’ policy, hindi naman absolute yan e, may exemption yan,” ani Bello.
“Ang mga manggagawa, lalabas ng bahay dahil magtrabaho, kung hindi sila pasasakayin, pano sila makakapasok?” dagdag niya.
“Exempted ang mga workers, very clear yan, nag-usap kami nung diskusyon ang IATF, tinanong ko yan kay Secretary [Menardo] Guevarra ng Department of Justice, na-justify niya yung ‘no vax, no ride’ policy. Tinanong ko, pa’no yung mga workers, sabi, ‘exempted!’, yun, maliwanag ‘yun,” saad pa ng kalihim.
Pero paglilinaw ni Bello, kinakailangan pa ring sumunod ng mga unvaccinated workers sa requirement ng kanilang mga employer kung saan dapat silang sumailalim sa RT-PCR testing kada dalawang linggo.