Pinabubusisi ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang estado ng edukasyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 455 na layong tugunan ang mababang enrollment, maiangat ang performance ng mga mag-aaral, at palawakin pa ang access sa dekalidad na edukasyon sa rehiyon.
Ayon kay Gatchalian, lubhang nakaapekto sa kalidad ng edukasyon sa BARMM ang ilang dekada na armadong tunggalian at kawalan ng kaayusan.
Sa ilalim ng panukala, susuriin ang estado ng implementasyon ng probisyon sa edukasyon ng Organic Law for the BARMM at ng Bangsamoro Education Code (BEC) of 2021.
Tinukoy ng senador ang malaking hamon sa Net Enrollment Rate (NER) na problema sa BARMM kung saan 36 percent lang ang enrolled sa Junior High School habang 10 percent lang ang naka-enroll sa Senior High School (SHS).
Ikinabahala rin ng senador ang pinakahuling datos ng Cohort Survival sa BARMM kung saan sa bawat 100 bata na enrolled sa Grade 1 para sa School Year (SY) 2010-2011, 17 lamang ang nakatapos ng Grade 12 noong SY 2021-2022.
Nababahala rin ang senador sa resulta ng huling pitong National Achievement Tests (NAT) sa rehiyon kung saan mababa ang nakuhang performance ng mga estudyante sa English, Science at Mathematics.