Estado ng mahigit 40,000 na illegal foreign nationals sa Pilipinas, malalaman ngayong buwan ayon sa Bureau of Immigration

Kumpiyansa ang Bureau of Immigration (BI) na sa loob ng buwang ito ng Oktubre ay makikita na ang breakdown kung ilan sa mahigit 40,000 na mga foreign nationals na iligal na naninirahan sa Pilipinas ay nakaalis na o nandito pa.

Aminado si Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval na napakarami ng 48,000 na foreign nationals para mave- verify ang kinaroroonan ng mga ito dito sa Pilipinas.

Sa ngayon, aniya, nasa verification process pa lamang sila para matukoy kung may nakabalik na sa kani-kanilang bansang pinanggalingan, mga naka-schedule nang umalis na o kaya ay maisasailalim sa deportation proceedings.


Ayon kay Sandoval, binibigyan ng Department of Justice (DOJ) ng 59 na araw ang mga foreign nationals na ito para kusang umalis na lamang ng bansa bilang humanitarian option.

Pero, kapag hindi pa rin aniya nagsiuwi sa kani-kanilang mga bansa ang mga ito, sinabi ni Sandoval na mag-iisyu na ng mission order si Bureau of Immigration Chief Norman Tansingco para sila hulihin at i-subject sa deportation proceedings.

Una nang naglabas ng kautusan ang DOJ na kailangang magkusang umalis na lamang sa Pilipinas ang mga illegal alien o mga foreign nationals na iligal na nananatili sa Pilipinas for humanitarian option.

Facebook Comments