Nagbigay ang United States Agency for International Development (USAID) ng karagdagang P10 milyong halaga ng tulong sa Oriental Mindoro para tugunan ang epekto ng oil spill dulot ng paglubog ng Mt. Princess Empress.
Sa pagbisita sa Calapan City, Oriental Mindoro ni USAID Philippines Mission Director Ryan Washburn, inanunsyo nito ang karagdagang tulong para sa pagsasanay ng mga mangingisda na nawalan ng hanapbuhay dahil sa fishing ban.
Ang mga mangingisda ay tuturuan na maging citizen scientists para makatulong sila sa pagsasagawa ng pag-aaral sa epekto ng oil spill sa coastal habitat at mga komunidad.
Tinurn-over din ni Washburn ang unang ipinangakong tulong na personal protective equipment, hygiene kits, at spill cleaning supplies kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor.
Nauna rito, sinuportahan narin ng USAID sa pamamagitan ng World Food Program ang Department of Social Welfare and Development sa paghahatid ng 20,000 food packs sa mga pamilya na apektado ng oil spill.