Naglabas ng “Do Not Travel” advisory laban sa Pilipinas ang Amerika dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), dapat iwasan ng kanilang mga mamamayan na magtungo sa Pilipinas kahit pa fully vaccinated na ang mga ito dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas.
Anila, nasa panganib pa rin ang mga fully vaccinated traveler na mahawa ng COVID-19 at mailipat sa iba ang mga COVID-19 variant.
Kung kinakailangan naman na magtungo sa Pilipinas, pinayuhan ng CDC ang mga mamamayan nila na kumpletuhin muna ang pagpapabakuna at dapat laging nakasuot ng face mask, sumunod sa physical distancing at iba pang minimum health protocol.
Maliban sa Pilipinas, kasama rin sa “Level 4: Do Not Travel list” ng US ang mahigit 100 pang bansa gaya ng Bahamas, Aruba, France, Austria, Italy, Brazil, India, Dominican Republic, The Netherlands, Russia, United Kingdom, Croatia at Mexico.