Nagpahayag ng suporta ang Estados Unidos sa Pilipinas hinggil sa mga legal na karapatan at operasyon nito sa West Philippine Sea, kabilang ang bisinidad ng Second Thomas Shoal o Ayungin Shoal na kinilala ng 2016 Arbitral Ruling bilang bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ito ang tiniyak ni US Defense Secretary Lloyd Austin III, sa kanyang pakikipag-usap sa telepono ngayong araw kay Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge, Secretary Carlito Galvez Jr.
Ang pagtiyak ng Estados Unidos ay kasunod na rin ng insidente noong Pebrero 6 kung saan tinutukan ng Chinese Coast Guard ng military grade laser ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard Vessel BRP Malapascua na legal na nag-o-operate sa Ayungin Shoal.
Sa pag-uusap ng dalawang opisyal, muling binigyang-diin ni Sec. Austin na saklaw ng Mutual Defense Treaty ang anumang armadong pag-atake sa Philippine armed forces, aircraft, at public vessels, kabilang ang Coast Guard, saan man sa West Philippine Sea.
Pinag-usapan din ng dalawang opisyal ang pagpapatuloy ng pinagsanib na maritime activities sa West Philippine Sea at ang commitment ng Estados Unidos na palakasin pa ang Armed Forces of the Philippines.