Manila, Philippines – Naaresto ng NBI International Operations Division ang isang Australian National at asawa nitong Filipina dahil sa kasong estafa at paglabag sa Batas pambansa 22 o Bouncing Checks law.
Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga suspek na sina Michael Ross Conroy at asawang si Teresita Mendoza Conroy na nadakip sa entrapment operations sa Pasay City.
Nag-ugat ang kaso laban sa mag-asawang Conroy , matapos magreklamo ang mga biktimang sina Dominico Lancian Jr., at Jakerson Gargallo.
Nabatid na hinikayat ng mga suspek na mag-invest ng tig-P300,000 at pinangakuang kikita nang P42-milyong kada investment sa pamamagitan ng pagbebenta ng computer software na magagamit para sa political campaign sa nalalapit na mid term elections.
Lumabas sa imbestigasyon na may mga nauna ng warrant of arrest laban sa mag asawa mula sa Marawi, Makati at Cabadbaran City dahil sa paglabag sa Bouncing Checks Law at estafa.
Isinailalim na ang dalawa sa standard operating procedures at nai-turnover na din sa NBI detention cell.