Manila, Philippines – Hahawakan na ng Department of Justice ang kaso laban sa Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada na nahaharap sa $10-Million na estafa case.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na inatasan na rin niya ang National Bureau of Investigation o NBI na alamin kung bakit nag-leak ang resolusyon ni Parañaque City Prosecutor Amerhassan Paudac na nai-post pa sa social media accounts ng isang hindi naman partido sa kaso bago pa man ang opisyal na paglalabas nito ng korte.
Una nang hiniling sa DOJ ng Tiger Resorts Leisure & Entertainment Inc. na maimbestigahan si Paudac sa paglabag sa rules and procedures, at Code of Conduct for Prosecutors dahil sa kwestyunableng paghawak ng kaso laban kay Okada.
Hiniling ng Tiger Resort kay Sec. Guevarra na itigil ni Paudac ang imbestigasyon sa nag-leak na resolusyon nito sa pangambang mauwi itonsa whitewash.
Inaakusahan ng Tiger Resort si Paudac ng pagiging bias matapos mag-leak ang kopya ng resolusyon nito na nagbasura sa estafa cases laban kay Okada.
Ang Tiger Resort ang may-ari at operator ng Okada Manila sa Entertainment City sa Paranaque kung saan nagsilbing CEO si Okada bago ito napatalsik noong nakaraang taon dahil sa sinasabing paglustay sa mahigit $10-Million na pondo ng kumpanya.