Manila, Philippines – Nahaharap ngayon sa kasong estafa ang dating Philippine Basketball Association (PBA) player na si Samigue Eman at kaniyang misis.
Ito ay dahil sa higit P60 milyong investment scam kung saan kabilang sa nabiktima ay mga asawa rin ng ibang basketbolista.
Nabatid na dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang grupong kinabibilangan ng mga misis ng PBA players at coaches para kasuhan ang mag-asawang Eman.
Sinasabing nag-invest sila sa negosyo ni Eman na pagpapautang ng pera sa mga naglalaro sa casino kung saan taong 2015 ay hindi na nagbigay ng kita ang mag-asawang Eman at hindi na rin ibinalik ang principal investment nila.
Napag-alaman naman na wala na ang mag-asawa sa bansa dahil lumipad na ang mga ito papuntang Amerika.