Lumabas sa pagdinig ng Committee on Energy na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian na ang posibleng dahilan kaya tumaas ang singil ng Manila Electric Company (MERALCO) ay dahil maaaring ipinatong nito sa actual meter reading nitong May at June ang estimates o tinantyang konsumo ng kanilang mga customer habang umiiral ang lockdown noong Marso at Abril.
Sa pagdinig, ay inihalimbawa ni Senator Gatchalian ang kanyang mismong Meralco Bill na pumalo ng mahigit 10,200 pesos noong Marso at mahigit 10,300 pesos naman noong Abril kahit hindi naman sya pumirmi sa kanyang condo unit.
Sa pagdinig, ay ipinaliwanag ng MERALCO na ang nabanggit na mga bill ay estimates o tinantya lang base sa mga nakalipas na buwan na konsumo sa condo unit ni Senator Win dahil hindi sila nakapagsagawa ng meter reading habang umiiral ang Enchanced Community Quaraninte (ECQ).
Pero ang nakakadismaya sabi ni Senator Win, ang nabanggit na estimates ay idinagdag pa sa mahigit 3,300 pesos na bill niya noong Mayo na nakabase sa actual meter reading.
Kaya naman giit ni Senator Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC), tiyakin na maire-refund ng MERALCO ang mga sobrang singil nito sa kanilang customers.
Sa pagdinig, ay humingi naman ng paumanhin si MERALCO President Ray Espinosa sa kanilang mga customer na sobrang nalito at namroblema dahil hindi naging klaro sa kanilang bills kung magkano ang estimates at ang resulta ng actual meter reading.
Binigyang diin pa ni Espinosa na hindi naningil ng sobra ang MERALCO at papadalhan daw nila ng sulat ang kanilang mga customer para ipaliwanag ang kompyutasyon sa kanilang bills.