Estratehiya ng bansa sa WPS, iginiit ng isang senador na pag-isipang mabuti

Iginiit ni Senator Grace Poe na muling pag-isipan ang estratehiya ng gobyerno sa pagtugon sa mga insidente sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod na rin ito ng panibagong insidente ng pagbangga ng barko ng China Coast Guard at Chinese militia vessel sa mga barko ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) habang nagsasagawa ng resupply mission para sa ating mga sundalo sa Ayungin Shoal.

Sinabi ng Chairman ng Senate Committee on Public Services na si Poe na bagama’t inaasahan na ang paghahain ng bansa ng diplomatic protest laban sa China, ang pinakahuling insidente ay nananawagan para seryosong pag-isipan ang mga estratehiyang ilalatag sa mga ganitong sitwasyon.


Punto pa ng senadora, ang agresibong aksyon ng China laban sa ating mga awtoridad ay nakakabahala dahil posibleng lumala ang tensyon hindi lamang sa pagitan ng Pilipinas at China kundi maaari rin itong maging sentro ng kaguluhan sa rehiyon.

Dagdag pa ni Poe na palakasin pa lalo ng Pilipinas ang relasyon sa ibang mga bansa na kapareho rin sa ating kalagayan para malabanan ang mga ganitong uri ng karahasan ng China.

Facebook Comments