Timbog ang isang estudyanteng nagbebenta umano ng overpriced alcohol at surgical gloves sa Santiago City, Isabela.
Nadakip ang kinilalang si Russel Vallejo, 26, residente ng Brgy. Calaocan, sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), Biyernes ng umaga.
Ayon kay Provincial Director Tim Rejano ng NBI-Isabela, kumagat ang suspek sa pain ng awtoridad na nagpanggap na bibili ng galong-galong alcohol at surgical gloves.
Bago ito, nagkaroon ng transakyon ang mga awtoridad kay Vallejo sa social media bago ikinasa ang entrapment operation.
Nakumpiska sa suspek ang mahigit P6,000 entrapment money, tatlong galong alcohol at 6 karton ng gloves.
Batay sa suggested retail price, tinatayang nasa P800 ang kada galon ng alcohol at higit P200 naman bawat karton ng gloves, taliwas sa presyong ipinatong ng suspek na P1,500 kada galon at higit P400 naman sa gloves.
Nahaharap ang estudyante sa kasong paglabag sa RA 7581 o Price Act.
Inaalam pa ng awtoridad ang posibleng pinagmulan ng mga supply o iba pang sangkot sa pananamantala sa kabila ng krisis sa COVID-19.