Estudyante, Nahablutan ng Cellphone!

Cauayan City, Isabela – Nahablutan o nanakawan ng mamahaling cellphone ang isang estudyante kahapon pasado alas dos ng hapon sa San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Kim Capistrano, 18 taong gulang at residente ng nasabing lugar habang ang suspek ay si Michael Malana Bassig, 23 anyos, isang delivery boy at residente ng Marabulig 2, Cauayan City, Isabela.

Batay sa imbestigasyon na isinagawa ng mga otoridad, habang ang biktima ay nakatayo sa harapan ng FNDY Boulevard, sa National Highway ng San Fermin ay bigla umanong lumapit ang suspek sa biktima at basta na lamang nito hinablot ang hawak na cellphone ni Capistrano na nagkakahalaga ng mahigit 9 na libong piso.


Matapos na nahablot ng suspek ang cellphone ay tumakbo at humingi naman ng tulong ang biktima sa mga tricycle drivers na nasa lugar at nagkataon naman na nasa beat patrol ang PNP Cauayan City sa lugar kung saan ay matagumpay na naaresto si Bassig.

Nakuha sa pag-iingat ni Bassig ang cellphone ni Capistrano at sa ngayon ay nakakulong na sa PNP Cauayan City kung saan ay mahaharap sa kasong pagnanakaw.

Facebook Comments