Estudyante, patay nang makuryente habang naglalakad sa baha sa Davao

Nasawi ang isang senior high school student matapos itong makuryente habang lumulusong sa baha sa Barangay Panacan sa Davao City, Martes.

Kinilala ang biktima na si Laurence Siarot, 18, grade 12 student sa Rizal Memorial Colleges (RMC) at naninirahan umano sa Avocado St., Don Mercedes Purok 2, Panacan.

Batay sa imbestigasyon, naglalakad na raw pauwi si Laurence bitbit ang kanyang sapatos habang lumulusong sa baha nang bigla itong mapadaan malapit sa isang traffic light at dito na umano nakuryente.


Ayon sa pahayag ng pulisya, sinubukan raw isalba ng isang kapitbahay si Laurence ngunit nakuryente rin ito.

Sinubukan pang i-revive ang biktima at dinala sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Ayon kay Danie Vie Policarpio, kapatid ng biktima, “Who is responsible for it, please be responsible now. Even though it’s too late. However it’s better if you come to us and negotiate or else we will whatever we wanted to do to get the justice that our brother is entitled for.”

Sa pahayag naman ni Police Maj. Reuben Libera, hepe ng Sasa Police, una nang nagpablotter ang isang kawani ng City Transport and Traffic Management Office (CTTMO) na nareport na raw ito sa contractor ng traffic light dahil nakukuryente raw siya kapag binababa niya ang planka nito.

Ngunit ayon kay Davao CTTMO head Dionisio Abude, wala raw siyang natatanggap na kahit anong report ukol dito.

Nananawagan ang pamilya ng biktima ng hustisya lalo pa’t magdiriwang sana ng ika-19 na kaarawan si Laurene ngayong darating na Oct. 20.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng CTTMO sa nangyari.

Facebook Comments