Estudyante, Patay sa Aksidente

Cauayan City, Isabela- Dead on arrival (DOA) sa pagamutan ang isang 19 taong gulang na binata matapos maaksidente sa kahabaan ng Brgy. Sto Domingo, Quirino, Isabela.

Kinilala ang biktima at drayber ng walang plakang motorsiklo na si Ariel John Ido, estudyante at residente rin sa naturang lugar.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bumabaybay sa lansangan patungong barangay Santiago sa bayan ng Quirino ang biktima at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay sumagi at nabangga ang kasalubong na improvised trike na minamaneho ni Danilo Tadeo, 56 anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Sto Domingo, Quirino, Isabela.


Dahil dito, sumemplang sa kalsada ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.

Isinugod sa RHU Quirino ang biktima para mabigyan ng atensyong pang medikal subalit binawian din ito ng buhay.

Hindi naman nasugatan ang drayber ng trike at boluntaryong isinuko ang sarili sa Punong barangay na si Robin Acob.

Dinala rin sa himpilan ng pulisya ang mga sangkot na behikulo para sa dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments