Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng Department of Education (DepED) Region 2 ang tinatayang nasa 140 na mga guro ang kakailanganin sa iba’t ibang paaralan sa buong Lambak ng Cagayan para sa susunod na taon.
Ayon kay Regional Director Estela Cariño, maliit kung tutuusin ang binigay na item sa rehiyon kung kaya’t kinakailangan aniya ang malaking adjustment sa pagtuturo sa hanay ng mga bilang ng mga guro.
Dagdag pa ng opisyal, pagsasama-samahin ang mga guro na may kakayahan pagdating sa teknolohiya na siyang mangunguna sa mga mag-aaral na pinipili ang online classes kumpara sa tradisyunal na pagsasagawa ng klase.
Posible din aniya na madagdagan ang gagawin ng mga guro sa pagtuturo at hindi lamang sesentro sa iisang grade level ng estudyante habang pinag-aaralan na rin ang pagbibigay ng load allowance sa mga guro para sa paggamit ng mga gadget sakaling maumpisahan ang online class.
Samantala, pipili naman ang mga mag-aaral sa paraan ng pagtuturo na kanilang gusto gaya ng home-base learning, face-to-face at online class.