BAYOMBONG, NUEVA VIZCAYA — Sa halip na lapis at papel, frayed ropes at kalawangin cables ang tangan ng mga estudyanteng tumatawid sa sirang hanging bridge sa Kayapa, Nueva Vizcaya, isang pang-araw-araw na laban para lamang makapasok sa paaralan.
Ang nasabing tulay na nagdurugtong sa mga liblib na sitio ng Latbang at Pinayag ay matagal nang delikado ngunit nananatiling tanging daan para sa mga estudyanteng patungo sa Pinayag National High School.
Sa viral na video na kuha ng gurong si Glory Madawat-Smith, makikitang halos nakabitin sa alambre at lubid ang mga estudyanteng tumatawid, simbolo ng matinding sakripisyo para sa edukasyon.
Sa panig ng Department of Education, iminungkahi ni Dr. Orlando Manuel, superintendent ng Nueva Vizcaya Schools Division, ang paggamit ng modular learning tuwing masama ang panahon bilang pansamantalang alternatibo.
Plano ring ikonsidera ang pagtatayo ng integrated school sa Latbang upang hindi na kailangang tumawid pa ng ilog ang mga estudyante.
Ngayong nakuha na ang atensyon ng publiko at mga lokal na opisyal, umaasa ang mga guro at estudyante na sa wakas ay matutugunan ang matagal nang hinaing: isang ligtas, matibay at maayos na daan patungo sa kinabukasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments









