Estudyante sa Tumauini Isabela, Patay Matapos Maaksidente!

Tumauini, Isabela – Patay kagabi ang isang grade 12 na estudyante matapos na matumba sa daan ang sinakyang motorsiklo sa Brgy. District 2, Tumauini Isabela.

Sa imbestigasyon ng mga otoridad kinilala ang nasawi na si Juster Layno Ruz, labin walong taong gulang at residente ng Brgy Bantug, Tumauini Isabela.

Samantala ang drayber ng motorsiklo ay kinilala na si Melchor Allauigan Barcarse Jr., bente anyos at residente ng San Pedro, Tumauini, Isabela.


Napag-alaman na habang bumabaybay umano ang motorsiklo na sinasakyan nina Barcarse Jr. at Ruz  patungong Bantug Tumauini ay basta na lamang natumba sa daan ang kanilang motorsiklo kung saan ay walang gamit na helmet ang mga biktima.

Nagtamo ng malalalang sugat sa ibat’ ibang bahagi ng kanyang katawan ang drayber na hinihinalang nasa impluwensya ng nakakalasing na inumin samantala ang angkas nito ay dead on arrival nang itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan.

Facebook Comments