ESTUDYANTENG TULAK NG ILEGAL NA DROGA, NASAKOTE SA LUNGSOD NG CAUAYAN

Cauayan City – Hindi na sinubukang itanggi pa ng isang estudyanteng tulak ng ilegal na droga ang paglalako nito ng Marijuana sa lungsod ng Cauayan.

Ang suspek ay kinilalang si Alyas “Leo”, 22-anyos, tubong Aurora, Isabela, at naaresto matapos magpositibo sa ikinasang Anti-Illegal Drug buy-bust operation kahapon, ika-17 ng Setyembre, sa Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.

Sa isinagawang operasyon, nabentahan ng suspek ang awtoridad na nagpanggap na buyer ng isang silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang Marijuana.


Bukod pa rito, nakuha rin sa pag-iingat ng suspek ang P1,500 buy-bust money, karagdagang 7 piraso ng silyadong plastic sachet na naglalaman rin ng parehong kontrabando, ID, Cellphone, at motor.

Aminado naman ang suspek na gumagamit at tulak ito ng ipinagbabawal na gamot, subalit nagawa lamang umano nito ang krimen dahil sa matinding pangangailangan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Facebook Comments