Ethel Booba, Mocha Uson nagbanatan dahil kay Vico Sotto

Gaya ng maraming netizens na nagpa-trending ng panawagang #ProtectVico sa Twitter, hindi rin hinayaan ni Ethel Booba na laitin ng blogger na si Mocha Uson ang mayor ng Pasig City.

Dinipensahan ng komedyante si Sotto nitong Huwebes mula sa isang post sa Facebook page ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) deputy administrator na “Mocha Uson Blog”.

“Eto yung sinasabi ko eh. Kaya ng ibang lugar bakit ito si Mayor Sotto pabebe?” saad sa reposted status ng blogger na si Banat By.


Tinutukoy rito ang pagpapahintulot ni Sotto sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga tricycle sa Pasig City sa kabila ng pagbabawal ng national government dito bilang bahagi ng enhanced community quarantine.

Hindi pumayag ang Malacañang sa mungkahi ng mayor sa katwirang imposible raw ang social distancing sa mga tricycle.

Buwelta ni Ethel kay Uson, “Okay na sa pabebe kesa sa pabobo. Social media distancing talaga kailangan nila. Charot!”

Bago ito, napasaringan na rin ng komedyante ang mga kontra sa “magandang” pamamalakad ni Sotto.

Aniya, “Mga virus lang ang galit sa magandang ginagawa ni Mayor Vico Sotto para sa kaligtasan ng nasasakupan nito sa Pasig City. Charot!”

Dumipensa naman si Uson sa isa ring tweet na “fake news” daw na kontra siya kay Sotto at ipinost lamang ito ng ibang admin.

“FYI, Mocha Uson Blog FB page is now composed of different bloggers and admins. We practice free speech though we differ in opinions on different matters.” sabi ng opisyal.

Binanatan naman ng sangkot na admin na si By si Ethel sa Facebook na sinabihan niyang “mahina ang reading comprehension”.

Pero resbak ni Ethel, “Mas mahina ang reading comprehension mo dahil ang sabi ko ‘nila’ meaning dalawa kayo. Inallow nya gamitin mo ang Facebook page nya.”

Sa sumunod pang tweet, nirepost naman ng komedyante ang reply ng isang netizen tungkol kay By, at sinabing hindi niya kilala ang “palpak na admin”.

“Sino ba yan? Kukuha na lang sila ng admin palpak pa. May extra ako dito 5 admin baka gusto nila hiramin. Charot!,” sabi niya.

Inaasahan naman daw ni Ethel ang sunud-sunod na pag-atake ng mga “trolls” dahil sa nangyaring sagutan, pero dedma dahil matutulog lang daw siya nang mahimbing.

Facebook Comments