
Tiniyak ni Senator JV Ejercito na maaaksyunan na nila sa Senate Committee on Ethics and Privileges ang mga reklamong inihain laban sa ilang senador ngayong nakumpleto na ang mga myembro ng komite.
Sinabi ni Ejercito, chairman ng komite, na bibigyan na niya ng kopya ng draft ng rules ang mga miyembro ng komite para sa kanilang mga mungkahing pagbabago o dagdag para dito.
Nakatakda na rin siyang magpatawag ng organizational meeting sa susunod na linggo para talakayin at aprubahan ang ilalatag na rules.
Matapos nito ay i-schedule na ang pagtalakay sa mga ethics complaint na alinsunod sa rules, sa tradisyon ng Senado at ibabatay ito sa kung aling reklamo ang unang naihain.
Matatandaang si Ejercito na bagaman chairman ng Ethics Committee ay nahaharap din sa reklamo dahil sa sinasabing hindi nito pag-aksyon agad sa ethics complaint laban naman kay Senator Chiz Escudero.










