Manila, Philippines – Nais malaman ng mga senador na kabilang sa Minorya kung ang paghahain ba ng ethics complaint sa kanilang mga miyembro ay bahagi ng harassment sa oposisyon.
Sa press statement na inilabas ng Senate Minority Bloc ay nakasaad ang kapuna-punang paghahain ng ethics complaint sa mga senador na hindi umaayon sa posisyon ng mga kaalyado ng administrasyong Duterte.
Tinukoy ang naunang ethics complaint laban kay Senator Leila De Lima at ang reklamo kay Senator Antonio Trillanes IV na ayon kay Senator Richard Gordon ay ngayong araw niya ihahain.
Kaugnay ay tiniyak naman ng minority senators ang kanilang suporta kay Trillanes na walang tanging hangad kundi mailabas ang katotohanan at masalag ang anumang hakbang na patahimikin ang oposisyon.
Maliban kina De Lima at Trillanes, kabilang din sa minority bloc sina Senators Franklin Drilon, Bam Aquino, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan.
Giit ng grupo sa mga kasamahang nasa mayorya, pag-isipan ang gagawing pagsuporta sa nabanggit na mga ethics complaint na target pahinain ang oposisyon at ang demokrasyang umiiral sa bansa.