Naghain ngayon ng reklamo sa House Committee on Ethics sina Barangay Health Wellness Party-list Representative Angelica Natasha Co at Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo laban kay Agri Party-list Rep. Wilbert Lee.
Hiling nina Co at Estella na tiyaking dadalo sa pagdinig si Lee, kanselahin o hindi pagkalooban ng foreign travel authority, at ang sinserong paghingi ng tawad nito.
Nakasaad sa ethics complaint ang umano’y hindi katanggap-tanggap, at hindi magandang inasal ni Lee makaraang galit na galit silang sugurin at duruin sa plenaryo habang tinatalakay ang pondo ng Department of Health (DOH) noong September 25, 2024.
Nagbanta anila si Lee na manggugulo sa plenaryo kapag hindi siya pinagsalita kahit nabigyan na ito ng pagkakataon na magsalita.
Binanggit sa apat na pahinang reklamo na napaiyak sila ni Estella at si Co ay hinimatay pa dahil sa takot, stress, at trauma na idinulot ng pagsugod sa kanila ni Lee na inagawan din ng mikropono si Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza.
Labis pang ikinadismaya nina Co at Quimbo ang mga spliced o in-edit na video na kumakalat sa social media kung saan iba ang kwento sa tunay na nangyari at inasal ni Lee na maituturing na naging banta sa kanilang kaligtasan.
Nakasaad sa ethics complaint na ang ginawa ni Lee ay paglabag sa code of conduct ng rules of the House of Representatives.