Ethics complaint laban kay Senator Trillanes, inihain na ni Senator Gordon

Manila, Philippines – Ala s-7:44 kagabi ng matanggap ng Secretary ng Senate Ethics Committee ang 23 pahinang reklamo ni Senator Richard Gordon laban kay Senator Antonio Trillanes IV.

Anim ang violations ni Trillanes sa reklamo na nag-ugat sa mainit na pagtatalo nila ni Senator Gordon sa pagdinig ng blue ribbon committee noong nakaraang Huwebes patungkol sa mga anumalya sa Bureau of Customs.

Nagkasagutan ang dalawang senador sa isyu ng pagpapaharap sa pagdinig kina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Atty. Manse Carpio.


Unang tinukoy na kasalanan ni Trillanes ay ang kawalan ng respeto at pagsira sa Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagtawag dito bilang committee de abswelto.

Ikalawa, ang malisyoso umanong bintang ni Trillanes kina Gordon at Senate Majority Leader Tito Sotto III na pag-aabogado kina Pulong at Atty. Manse.

Ikatlo at ikaapat, ang kasinungalingan at malisyosong alegasyon ni Senator Trillanes kina Sotto at Gordon at sa iba pang miyembro ng blue ribbon committee ng pagiging hindi patas.

Panglima, ang paggamit ng lengwahe na hindi maganda para kina Senator Gordon at Sotto ng akusahan sila ni Trillanes ng panggigipit o harassment sa mga testigong humaharap sa pagdinig ng komite.

Pang-anim ang pagpapakawala umano ni Trillanes ng mga nakakainsultong salita laban kay Senator Gordon.

Giit ni Gordon, dapat panatilihin ng mga Senador ang mataas na antas ng tamang asal at pagrespeto sa mga kasamahan na hindi nagagampanan ni Senator Trillanes kaya dapat lang itong maparusahan.

Diin pa ni Gordon, ginagamit lang ni Trillanes ang Senado para maisulong ang kanyang pansariling agenda laban sa kanyang mga kalaban.









Facebook Comments