Santiago City, Isabela- Respeto, Disiplina at Pag-iingat, mga pangunahing bagay na dapat isaalang-alang ng bawat pulis habang isinasagawa ang kanilang tungkulin.
Ito ang naging laman ng mensahe ni City Director Police Senior Superintendent PSSUPT Percival A. Rumbaoa, sa ginanap na ika-24 na taong selebrasyon ng Etika ngayong araw Enero 8, 2018 sa Santiago City Police Office.
Naging tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Serbisyong Tapat at Makatotohanan Para sa Pagbabago ng Bayan.”
Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay PSSUPT Rumabaoa, kanyang ibinahagi na layunin ng nasabing pagdiriwang na muling ipaalala sa kapulisan ang kanilang responsibilidad bilang alagad ng batas.
Nararapat din umanong pag-ibayuhin ang pakikitungo sa kapwa at sumunod sa mga panuntunan upang makamtan ang tunay na pagbabago ng bayan.
Nagbahagi rin ng mensahe sa mga pulis si Pastor Wilrey C. Renen ng National Auxiliary Chaplain of the Philippines ng lungsod ng Santiago.
Ayon sa pastor, dapat palakasin ng mga nasa serbisyong pulis ang kanilang pananalig sa Diyos upang magampanan ang kanilang tungkulin nang tama at maayos.
Binigyang diin naman ni PSSUPT Rumbaoa na malaking tulong ang pagpapa-alala sa mga pulis upang higit na maging epektibo sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa araw-araw.
Aniya, taun-taong ipinagdiriwang ang Etika upang maitatak sa buong kapulisan sa bansa ang mga bagay na dapat nilang gampanan.