Walang dapat ipag-alala ang Pilipinas sa panawagan ng European Union (EU) Parliament na bawiin ang Generalized Scheme of Preferences Plus (GSP+) ng bansa dahil sa human rights violations.
Ayon kay dating Philippine Permanent Representative to the United Nations Lauro Baja, isang deliberative body ang EU Parliament at may karapatan silang maghain ng declaratory resolution.
Sa halip, dapat na bantayan ng Pilipinas kung ano ang magiging tugon ng European Commission sa resolusyon bilang executive arm ng EU Parliament.
Para kay Baja, hindi napapanahon ang banta ng EU dahil nasa gitna ng pandemya ang bansa.
Aniya, maaari namang ayusin ng Pilipinas ang isyu sa EU sa pamamagitan ng dayalogo.
Matatandaang hinamon ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang EU na ituloy ang banta nitong i-withdraw ang free-tariff status ng ilang Philippine exports kung nais aniya ng EU na dagdagan ang pahirap ng mga Pilipino ngayong may pandemya.
Ayon naman kay Trade Secretary Ramon Lopez, naipapaliwanag naman ng Pilipinas ang panig nito sa mga isyung binanggit ng EU kaya wala siyang nakikitang dahilan para bawiin ang GSP+ privileges ng bansa.