EUA ng Novavax, inaaral pa ng FDA

Patuloy pang pinag-aaralan ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga isinumiteng datos ng vaccine manufacturer ng Novavax anti-COVID-19 para sa pagpapalabas ng ahensya ng Emergency Use Authorization (EUA).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni FDA Director Gen. Usec. Eric Domingo na bagama’t sinimulan na nila ang ebalwasyon sa EUA application ng Novavax ay hindi pa sila makapagdesisyon dahil kulang pa ang mga isinumiteng requirement nito.

Ayon pa kay Usec. Domingo, 21 araw ang kinakailangan ng ahensya upang pag-aralan ang mga datos na isinumite ng Novavax pero maaari naman itong mapabilis basta’t kumpletong naipasa ang mga hinihingi nilang mga rekisitos.


Paliwanag pa nito, katulad ng ibang mga bakunang nagawaran nila ng EUA, 18 pataas lamang magagamit ang mga bakuna ng Novavax liban sa Pfizer na pwede nang magamit sa mga bata.

Nasa 80%-90% din aniya ang efficacy rate ng Novavax.

Kasunod nito, tiniyak ng FDA na lahat ng bakuna kontra COVID-19 na binigyan nila ng EUA ay ligtas at epektibo.

Facebook Comments