EUA ng Sinovac, ipinarerekonsidera sa FDA

Ipinarerekonsidera ni dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin sa Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency Use Authority (EUA) na iginawad para sa Sinovac COVID-19 vaccines.

Ayon kay Garin, mali ang interpretasyon ng FDA sa mga datos patungkol sa bisa ng Sinovac, dahil ang naturang bakuna ay dumaan naman sa masususing pagsusuri.

Sapat naman aniya ang higit 50% efficacy rate ng Sinovac COVID-19 vaccines para bigyan ng proteksyon ang mga healthcare workers at mga nakatatanda kontra sa nakakamatay na respiratory disease.


Ang nangyayari aniya sa naging desisyon ng FDA ay ipinagkakait nito sa mga healthcare workers at sa mga nakatatanda ang proteksyon laban sa COVID-19.

Nilinaw naman ni Garin na hindi naman mali o pinilit lamang ang paggawad ng FDA ng EUA sa Sinovac.

Binigyan diin ng kongresista na ang bakuna ay ligtas gamitin at hindi dapat ginagawang batayan sa pagsusuri sa bisa nito ang bansa na pinanggalingan ng mga ito.

Ginagamit na rin aniya ang Sinovac sa anim hanggang pitong mga bansa, o naiturok na ito sa 30 milyong indibidwal sa buong mundo.

Facebook Comments