European Parliament, nagbanta na aalisin ang exemptions sa taripa ng mga produktong galing ng Pilipinas dahil sa umano’y lumalang human rights violations

Nagbanta ang European Union (EU) Parliament na aalisin nila ang exemption sa pagbabayad ng taripa sa mga produktong galing ng Pilipinas.

Ito’y dahil sa umano’y lumalang sitwasyon hinggil sa paglabag sa karapatang pantao dulot ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Nabatid na sa ilalim nang inihain na resolusyon ng European Union’s Legislative Assembly na may petsang September 17, 2020, plano nilang alisin ang exemption sa pagbabayad ng taripa dahil sa nakuha nilang datos sa United Nations High Commissioner for Human Rights na umabot na sa 8,663 ang napatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Bukod dito, naalarma rin sila sa lumalalang lebel ng press freedom sa bansa, kasabay ng paghikayat ng European Parliament sa gobyerno ng Pilipinas na bawiin ang cyber libel conviction laban kay Rappler Chief Maria Ressa.

Kinondena rin nito ang lahat ng uri ng mga banta, harassment, pananakot at unfair prosecutions at karahasan sa mga mamamahayag.

Nanawagan ang parliament sa European Delegation at European Member States’ Representative nito sa Pilipinas na bantayang mabuti ang kaso ni Ressa at iba pa at ibigay ang lahat ng kinakailangan nilang tulong.

Umapela rin ang EU sa gobyerno ng Pilipinas na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN at ang umano ay politically motivated charges laban kay Senator Leila de Lima.

Facebook Comments