Naglabas ng nasa €500,000 o P28M ang European Union (EU) bilang tulong sa mga mamamayan sa Mindanao na naapektuhan ng sunud-sunod na lindol nito lamang nakaraang buwan.
Sa inilabas na pahayag ng EU nitong Lunes, Nob.25, ang naturang halaga ay susuporta sa pagpapagawa ng bahay, suplay ng pagkain at tubig, at para sa iba pang pangangailangan ng mga biktima ng lindol.
Ayon kay Christos Stylianides, EU Commissioner ng Humanitarian Aid and Crisis Management, pawang mahihirap na mamamayan ang natamaan at naapektuhan ng sakuna.
“Our focus is to bring urgently needed assistance to those most heavily impacted by the disasters,” aniya.
Bahagi rin umano ng donasyon ang “vital aid” para sa iba pang biktima kabilang na ang PWDs at mga katutubo.
Samantala, mahigit 100,000 katao ang nawalan ng tirahan matapos sumalanta ang lindol sa Davao del Sur at Cotabato.
Nawalan rin ng suplay ng tubig sa mga naturang lugar.
Nagbigay naman ng pakikiramay ang EU sa mga Pilipinong namatayan matapos ang malagim na trahedya.