Puspusan ang konstruksyon at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura sa mga island barangays sa Dagupan City bilang bahagi ng pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng mga residente sa banta ng storm surge at tsunami.
Sa Brgy.Pugaro Suit, ipinagpatuloy ang konstruksyon ng pinahintong Evacuation Center na maaring takbuhan ng mga residente.
Ayon sa Pamahalaang Panglungsod, aabot sa isang libong residente ang pwedeng lumikas sa tatlong palapag na pasilidad na may roof deck, at open ground floor para hindi maipon ang tubig na aabot sa lebel ng unang palapag.
Ibinahagi rin ang pagpapatayo ng karagdagang gusali sa Brgy. Salapingao matapos ang maaprobahan ang pondo para sa pagpapabuti ng sistema sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Samantala, inihayag naman ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, na sabay-sabay na i-activate ngayong Disyembre ang siyam na bagong Tsunami Early Warning System o TEWS sa lungsod para sa kahandaan ng lungsod sa sakuna.
Matatandaan na nauna nang sumailalim sa tsunami drills, hazard mapping, at evacuation training ang 15 barangay sa lungsod.









