Evacuation centers para sa mga hayop, ipinanawagan ni VP Robredo

Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pagtatayo ng evacuation centers para sa mga hayop para matiyak na walang residente ang mananatili sa kanilang bahay para bantayan ang kanilang mga alaga sa kasagsagan ng bagyo.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na kapag sa oras ng sakuna tanging ang mga lumilikas ay mga babae, mga matatanda at mga bata pero nagpapaiwan sa mga bahay ang padre-de-pamilya para bantayan ang mga gamit at mga alagang hayop.

Mahalagang magtayo ng animal shelter para mahinto ang mga tao na pabalik-balik sa kanilang mga bahay lalo na kung mapanganib na ang sitwasyon.


“Iyong mga head of the family, nagpapaiwan pa din sa bahay kasi ang iniisip ang gamit, iyong mga hayop, etc. Kaya kahapon ni-remind ko na naman sila na dapat may evacuation center na ang mga hayop para wala nang dahilan para magpaiwan kasi minsan kahit forced evacuation talagang may mga tumatago,” Ani Robredo.

Binigyang diin din ni Robredo ang pagtatayo ng dalawa hanggang tatlong palapag na school buildings sa Bicol para mailigtas ang mga residente mula sa pagbaha at magkaroon ng espasyo para sa mga karagdagang lilikas.

Aniya, ang mga eskwelahan ay ginagamit bilang evacuation site para sa mga biktima ng kalamidad.

Hinimok ng Bise Presidente ang mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga kababayan at patuloy na makipagtulungan sa mga ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Facebook Comments