Bilang bahagi ng paghahanda laban sa posibleng epekto ng sunod-sunod na offshore earthquakes sa Ilocos Sur, naglagay ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng San Juan ng mga evacuation route signages patungo sa designated Tsunami Evacuation Area ng bayan.
Ang mga signage ay inilagay sa mga pangunahing daanan ng barangay Ili Sur, Ili Norte, at Taboc, na nagsisilbing gabay patungo sa ligtas na lugar na matatagpuan sa slightly-elevated area.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng response plan assessment at pagpupulong ang MDRRMC katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard upang abisuhan at ihanda ang mga coastal barangay.
Ayon sa MDRRMC, patuloy ang live monitoring sa mga dalampasigan upang agad na maalerto ang mga residente sakaling magkaroon ng biglaang pagbabago sa lagay ng karagatan. Ang hakbang na ito ay bahagi ng layuning tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng emerhensiya.
Hinihikayat din ang mga residente na maging mapagmatyag, sumunod sa mga abiso, at alamin ang evacuation routes upang maging handa sa anumang hindi inaasahang sitwasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨