Evacuees na naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal, nagkakasakit na sa evacuation centers

Kinumpirma ng DOH na nagkakasakit na sa evacuation centers ang ilang residenteng naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.

 

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, karaniwang sakit ng mga evacuees ay acute respiratory infection dahil na rin sa epekto ng ash fall, gayundin ang hypertension dahil sa stress, diarrhea, sakit sa balat at mga sakit na maihahalintulad sa influenza.

 

Bunga nito, pina-alalahanan ni Duque ang mga nasa evacuation centers na panatilihin ang kalinisan bagamat mahirap rin naman itong gawin dahil sa kasalukuyang sitwasyon nila


 

Umapela rin si Duque sa mga nasa pribadong sektor na tumulong para madagdagan ang mga portalet sa dalawang daan at pitumput-isang evacuation center sa Calabarzon.

 

Sa datos ng DOH, aabot sa mahigit walumput pitong libo ang bilang ng mga nasa evacuation centers.

 

Tiniyak rin ni Duque na may mga team na silang nakakalat para matiyak na hindi magkakaroon ng outbreak ng sakit sa mga evacuation center.

 

Maliban naman sa mga sakit, isa rin sa tinitignan ng DOH ay ang mental health ng mga nasa evacuation center dahil sa trauma o depresyon na kanilang pinagdadaanan.

Facebook Comments