Tuloy-tuloy ang pagdating ng mga evacuees sa Delpan Evacuation Center sa Tondo, Maynila.
Karamihan sa mga inilikas ay mga residente mula sa Isla Puting Bato, partikular ang mga nakatira malapit sa dagat.
Sila ay sumailalim na sa forced evacuation dahil sa patuloy na pag-ulan at paglakas ng hangin bunga ng Bagyong Tisoy.
Karamihan sa mga nasa Delpan Evacuation Center ay mga bata, mga kababaihan at mga senior citizen.
Sa ngayon, nagkakaroon ng registration upang matukoy kung ilang miyembro ng pamilya ang nasa Delpan Evacuation Center.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare Dir. Asuncio Fuguso, sa inisyal na bilang ay nasa 60 na pamilya ang nasa evacuation center.
Samantala, ang mga naiwan sa Isla Puting Bato ay kanya-kanyang paghahanda sa malakas na bagyo kung saan ilan sa kanila ay nagtatali ng kanilang bahay at mga motor, para hindi raw tangayin ng hangin.