Inilabas na ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang evaluation criteria o pamantayan sa pagsusuri ng kalidad ng mga Self-Learning Modules (SLMs) na gagamitin para sa Quarter 3 at 4 ng School Year 2020 to 2021.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang nasabing pamantayan ay alinsunod pa rin sa K-to-12 Program at Basic Education – Learning Continuity Plan (LCP).
Aniya, susuriin ang nilalaman, lengguwahe, disensyo at kaayusan ng mga SLMs na isinumite ng pampubliko at pribadong paaralan ng bansa.
Sinabi pa nito na ang Bureau of Learning Resources – Quality Assurance Division (BLR-QAD) ang magsasabi kung pumasa ba o hindi ang nilalaman ng SLM.
Para sa makakatanggap ng markang conditional pass, ang BLR-QAD ay mag bibigay ng kopya ng kanilang evaluation report sa mga public at private school na nagsumite ng kanilang SLMs.
Nakapaloob sa evaluation report ang komento at rekomendasyon ng Learning Resource Evaluators (LRE) ng kagawaran.