Evaluation ni PBBM sa mga nagbitiw na GOCC heads, hindi maaapektuhan ng hiwalay na performance review ng GCC

Magpapatuloy pa rin ang performance evaluation ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pinuno ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na inatasan din niyang magbitiw sa pwesto.

Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, hindi maaapektuhan ang ginagawang evaluation ng pangulo kahit pa may hiwalay na review ang Governance Commission for GOCCs (GCG).

Paliwanag ni Bersamin, mandato ng GCG na isalang sa taunang review ang mga pinuno ng GOCCs tuwing kalagitnaan ng taon, na sa pagkakataon ngayon ay sumabay sa ginagawang performance evaluation ng pangulo dahil sa utos na courtesy resignation.

Pero ayon sa Palasyo, ano pa man ang magiging rekomendasyon ng GCG ay hindi maaapektuhan ang hiwalay na pagsusuri ng pangulo at piniling panel, kung sino sa mga GOCC heads ang mananatili, ililipat, o tatanggalin na sa pwesto.

Batay sa datos ng Office of the Government Corporate Counsel, mayroong higit isandaang GOCC ang pamahalaan.

Kabilang sa pinagbitiw sa pwesto ang mga non-ex-officio chairpersons, chief executive officers, at appointive members ng GOCC governing boards tulad ng PhilHealth, PAGCOR, Pag-IBIG Fund, Philippine Ports Authority, at iba pa.

Facebook Comments