Evaluation sa AstraZeneca, ilalabas na ng FDA sa susunod na linggo

Tiniyak ng Food and Drug Administration (FDA) na una nilang aaprubahan ang bakuna na unang nag-apply para sa Emergency Use Authorization (EUA).

Nabatid na December 24, 2020 nang magsumite ng aplikasyon para sa EUA ang Pfizer habang January 6, 2021 ang AstraZeneca ng UK.

Sa ngayon, hindi pa nag-a-apply para sa EUA ang Sinovac na inaasahang darating na sa bansa sa Pebrero.


Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, sumasailalim pa sa dalawang pagsusuri ang mga bakuna para matiyak ang safety, efficacy, quality at stability ng mga ito.

“Syempre we make sure na yung produktong dadalhin dito ay same quality as yung ibibigay nila sa ibang bansa. So binibigyan po natin ng two weeks yun [evaluation],” ani Domingo sa interview ng RMN Manila.

Katunayan, sa susunod na linggo ay posibleng makapaglabas na ng desisyon ang FDA kung mabibigyan ng EUA ang AstraZeneca.

“Ang una pong dedesisyunan, syempre yung unang nag-apply. Sila [AstraZeneca] po nag-apply noong January 5. So, actually ang set kong deadline dyan sa 26 ng January. So, yun lang po ang maa-assure natin na magkakaroon tayo ng desisyon pero syempre, depende pa sa rekomendasyon ng mga expert natin. Pwedeng ang desisyon na yun ay approved o not approved,” dagdag pa niya.

Samantala, sa ikatlong quarter ng taon, inaasahang masisimulan na ang pagpapadala ng 30 million doses ng Covovax vaccine sa bansa na gawa ng US-based biotechnology company Novavax at ng manufacturer na Serum Institute of India (SII).

Ayon kay Dr. Luningning Villa, Medical Director ng Faberco Life Sciences na local partner ng SII, may ilang local government unit na rin na nakikipag-ugnayan sa kanila hinggil sa pagbili ng Covovax.

“May mga nag-communicate na po sa amin at kami naman po ay sumasagot din sa kanila at nakikipag-arrange, nag-o-offer kung kailangan ng presentations. Sa private sectors po, kami ay hinihintay pa po namin yung go signal ng government kung ano talaga yung kanilang instruction para sa engagement with the private sector,” ani Villa.

Facebook Comments