Ex-army at partner nito, arestado sa buy-bust operation sa Koronadal City

Koronadal, Philippines – Umaabot sa P850, 000.00 na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 sa Purok Morillo, Barangay Sta. Cruz, Koronadal City.

Kinilala ang mga suspek na sina Rey Donasco, 38-anyos, ex-army at residente ng Bo. 9, Banga, South Cotabato at Hernalee Abadonio, alyas Darlene Abadonio, 30-anyos at residente naman ng Bo. 4, Rang-Ay sa nabanggit na bayan.

Nahuli ang mga suspek nang pumayag ang mga ito na magbenta ng isang sachet ng shabu sa PDEA agent na nagpakilalang poseur buyer sa halagang P1, 000.00.


Nakuha sa mga suspek ang isang sling pouch na may lamang 2 large at 4 na medium sachet ng shabu na may timbang na 100 grams at iba pang drug paraphernalia.

Nabatid na kapwa nahuli na noong nakaraang taon ang mga suspek dahil din sa kasong illegal drugs ngunit nakapagpiyansa ang mga ito.
Sa imbestigasyon sa Talitay,Maguindanao umano kinukuha ng mga suspek ang droga at binebenta ng mga ito sa Koronadal City, General Santos City at Sarangani province.

Kasong paglabag naman sa section 5, 11, at 12 ng RA 9165 ang isinampang laban sa mga suspek at nakadetine sa PDEA 12 detention facility.
DZXL558, *Eden Cañete *

Facebook Comments