Dupax del Norte, Nueva Vizcaya – Arestado ang dating barangay kapitan sa Dupax del Norte matapos isilbi ng kapulisan ang search warrant sa mismong bahay nito kamakailan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Ferdinand Corpuz, hepe ng Dupax Police Station, kinilala ang ex-barangay captain na si Tino Sanchez, animnapu’t anim taong gulang, may asawa at residente ng Barangay Belance, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.
Natagpuan sa loob ng bahay ni Sanchez ang isang caliber 38 na may limang bala, tatlong basyo at pitong bala ng caliber 45, tatlong piraso ng improvised explosive device at dalawang pakete ng shabu.
Ang search warrant ay ipinalabas ni hukom Jose Godofredo M. Naui ng RTC Branch 37 sa Bayombong, Nueva Vizcaya at isinilbi naman ng pinagsanib pwersa ng PNP Dupax del Norte at Police Provincial Office.
Idinagdag pa ni Police Chief Inspector Corpuz na dating may baril si Sanchez noong kapitan pa lamang ngunit hindi na inayos ang papel ng baril simula ng taong 2011 at kabilang din ang mga reklamo sa ex-captain na kapag nalalasing ay hawak ang baril at nananakit ng ilang residente sa nasabing barangay.
Sa ngayon ay nakakulong na sa himpilan ng pulisya si Sanchez at naisampa na kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591 samantala ang RA 9156 ay nakabinbin dahil kailangang kumuha umano ng sertipikasyon sa Explosive Ordinance Division ng PNP upang makita kung talagang sumasabog ang tatlong improvised explosive device.