Ex-cabinet official na umano’y sangkot sa iligal na POGO, kasama na sa iimbestigahan ng Senado

Tiniyak ni Senator Sherwin Gatchalian na kasama na sa iimbestigahan ng Senado ang ibinunyag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) tungkol sa isang dating cabinet official na nag-ayos ng lisensya ng ilang mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO na sangkot ngayon sa mga krimen at kasama sa mga sinalakay ng mga awtoridad.

Ayon kay Gatchalian, pinangalanan na sana ng PAGCOR kung sinuman ang dating gabinete na ito para sana ay wala nang suspense.

Gustong makita ng senador ng personal ang sinasabi ng PAGCOR lalo’t ito ay patunay na kumakalat at lumalawak na ang galamay ng POGO sa bansa.


Kahit aniya bago ang isiniwalat ng PAGCOR, consistent naman ito sa pattern ng POGO na kumukuha sila ng mga taong maimpluwensya para makapag-operate ng malaya dito sa bansa.

Inamin ni Gatchalian na mayroon siyang ideya kung sino ang posibleng tinutukoy ng PAGCOR pero wala pa siyang ebidensya at kailangan muna aniyang mapag-aralan ng mabuti ang mga dokumento para malaman kung ano ang lakas at impluwensya ng tinutukoy na opisyal.

Facebook Comments