Pinagkokomento ng Korte Suprema si dating Congressman Edgar Erice kaugnay sa inihaing mosyon ng Miru Systems Inc. at ng joint venture nito para maglabas ng gag order.
Layon nitong pigilan ang petitioner na magbigay ng pahayag sa publiko kaugnay sa kasong inihain sa Supreme Court na layong ibasura ang kontrata ng Comelec at Miru Systems Inc. para magsilbing poll provider sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, may sampung araw si Erice para magbigay ng kaniyang komento.
Una nang nagpetisyon si Erice sa Korte Suprema upang ipa-contempt si Comelec Chairman George Garcia dahil sa pahayag nitong mapipilitang bumalik sa mano-manong botohan kapag ibinasura ng Korte Suprema ang kontrata sa Miru Systems.
Pero bumanat naman si Garcia ng ‘look who’s talking’ sabay tanong kung sino ang kabi-kabila magsagawa ng presscon kahit na isa siyang petitioner sa SC.
Ayon sa Comelec Chair, kaya siya nagsasalita sa publiko ay upang ihayag ang mga ginagawang paghahanda sa 2025 elections.