
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na hindi na kasama sa mga akusado sina Dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara at Sally Santos sa tatlong kasong isinampa kaugnay ng flood control projects sa Bulacan.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, tinanggal ang pangalan ni Alcantara bilang respondent matapos siyang tanggapin bilang state witness sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Samantala, hindi na rin isinama sa mga kinasuhan si Santos na isinailalim rin sa WPP.
Magugunitang noong Enero, pinangalanan sina Alcantara at Santos bilang state witnesses kasama ang iba pang dating opisyal ng DPWH.
Una nang inihayag ni Justice Secretary Fredderick Vida na kaakibat ng pagiging state witness ang pag-abswelto mula sa criminal liability kapalit ng pagbibigay ng mahalagang testimonya.
Samantala, tuloy naman ang pag-usad ng kaso laban sa iba pang mga akusado, kabilang na ang ilang dating assistant engineers ng DPWH.
Isinampa ang mga kaso noong Enero at Pebrero sa Bulacan, ngunit kalaunan ay inilipat sa isang special court sa Quezon City.










