
Personal na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan para tanggapin ang kopya ng reklamong inihain sa kaniya.
Nahaharap sa plunder complaint si Bonoan na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa maanomalyang proyekto kontra baha ng pamahalaan.
Ayon kay Bonoan, pag-aaralan muna niyang mabuti ito at sa ngayon at hindi pa raw niya nababasa ang buong reklamo.
Tiniyak naman ng dating kalihim na mananatili siya sa Pilipinas sa gitna ng pagdinig sa kaso.
Sa kabila nito, hinihintay pa raw nila ngayon ang schedule ng pagsalang sa operasyon ng kaniyang asawa sa Estados Unidos.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na hold departure order laban sa dating opisyal pero nasa ilalim siya ng Immigration Lookout Bulletin Order.
Si Bonoan ay kapwa akusado ni dating Senador Jinggoy Estrada sa plunder na inihain ng NBI.
Sinabi naman ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na itinakda ang susunod na preliminary investigation sa darating na February 12.










