
Patay si dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral matapos na diumano’y mahulog mula sa Kennon Road sa Tuba, Benguet kagabi.
Ito ang kinumpirma sa DZXL News ni Tuba, Benguet COP Police Major Peter Camsol Jr.
Batay sa salaysay ng kanyang driver, binabaybay nila ang Kennon Road papuntang La Union nang magpababa si Cabral dakong alas tres ng hapon.
Pinaalis umano siya ni Cabral kaya sumaglit muna siya sa isang kalapit na gasolinahan.
Pero pagbalik bandang alas-5:00 ng hapon, wala na si Cabral sa lugar kung saan ito nagpaiwan.
Bigo rin niya itong makita sa Ion Hotel sa Baguio City.
Dito na siya nagpasyang mag-report sa Baguio City Police na agad namang nagsagawa ng search operation.
Alas-8:00 kagabi, natagpuang walang malay si Cabral sa gilid ng Bued River na 20 hanggang 30 metro ang lalim mula sa highway.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.
Setyembre nang magbitiw sa DPWH si Cabral sa gitna ng imbestigasyon sa flood control scandal.









