Humarap na sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si dating Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., patungkol sa imbestigasyon sa PDEA leaks kung saan idinadawit si Pangulong Bongbong Marcos, at aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.
Wala pang sampung minuto ang tinagal ni Ochoa sa pagdinig at ang mga naging pagtatanong sa kanya ng mga senador dahil may iba pa itong naunang commitment ngayong araw.
Sa pagdinig ay agad na tinanong ni Committee Chairman Ronald “Bato” dela Rosa si Ochoa kung may nakarating sa kanyang impormasyon na sabit sa illegal drugs sina Pangulong Marcos, Soriano at iba pang grupo at kung hinarang nito ang imbestigasyon ng PDEA sa illegal drug operation noong March 2012.
Diretsahang itinanggi ni Ochoa ang lahat ng mga alegasyon na may alam at hinarang niya ang pagsisiyasat sa nangyaring PDEA operation.
Sinabi pa ni Ochoa na hindi niya rin kilala si ex-PDEA agent Jonathan Morales, ang nagdadawit sa kanya sa isyu, at wala rin aniya siyang maalala na nakita o nakausap niya ito sa kahit alinmang okasyon.
Dagdag pa ni Ochoa, wala siyang ideya kung anong motibo ni Morales at kinakaladkad ang kanyang pangalan sa isyu.