
Hindi pa kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez sa listahan ng mga mambabatas na inirekomendang sasampahan ng kaso kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Paliwanag ng pangulo, ang mga alegasyon laban sa dating Speaker ay lumitaw pa lamang sa mga pagdinig sa Senado at wala pang konkretong ebidensyang maaaring gamitin bilang basehan ng pormal na reklamo.
Anumang pagsasampa ng kaso ay dapat nakabatay aniya sa matibay na ebidensya at hindi para sa “optics” o pampublikong impresyon.
Gayunpaman, sinabi ng pangulo na bukas ang administrasyon sa anumang bagong impormasyon na maaaring magpabago sa kasalukuyang sitwasyon.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng pangulo ang kahalagahan ng Sumbong sa Pangulo Portal, na aniya’y nakapagbibigay ng mahahalagang impormasyon na ginagamit ngayon sa malawakang imbestigasyon.
Hinihikayat din niya ang publiko na ipagpatuloy ang pagsusumite ng ebidensya upang masampahan ng kaso ang sinumang mapatunayang sangkot, opisyal man o mambabatas.









